Marahan mong inilatag sa malambot na kama ang iyong pagal na katawan. Pumikit ka’t dinama ang mainit na yapos ng naturang higaan. Nakagagaan sa pakiramdam. Nakawawala ng pagod. Hindi katulad ng yapos ng iyong mga parokyano— punong-puno ng pagnanasa. Nakasasakal. Wala ni katiting mang paggalang.

Oo, pagod ka nang unawain sila. At pagod ka na ring mamalimos ng kapirasong respeto. Subalit, sa araw-araw na ginawa ng Langit, dumarapo sa iyong magandang mukha ang sampal ng katotohanan. Sino nga ba namang lalaki ang yuyukod at magbibigay-galang sa isang kabaro ni Magdalena? Sa isang babaeng ang ikinabubuhay ay pagbebenta ng sariling katawan sa mga lalaking lulong sa pita ng laman?

Wala nga, sigaw ng sarili mong isipan.

Napadilat ka. Napalunok at muling pumikit nang mariin. Sa ngayon, ibig mong matulog. Ibig mong kahit na sandali’y malimot ang nakasusulasok na katotohanan, upang sa ‘yong paggising, muli rin namang lulublob sa putikang kinasadlakan.

Habang nag-aagaw ang liwanag at karimlan sa iyong isipan, naalala mong bigla ang noo’y munti mong pangarap— ang maging isang sirena. Naidalangin mong sana’y matupad na iyon, sa lalong madaling panahon. Nais mo kasing magpakalayo-layo, at magtungo  sa lugar na ni sikat ng araw ay hindi ka maaabot nang tanaw. Nais mo ring hugasan ng tubig-alat ang iyong buong katawan, maging ang marumi mong kaluluwa.

Ilang buntonghininga pa ang lumipas, nakadama ka ng kakaiba sa iyong kinahihigaan. Pakiwari mo ba, ang kama’y naging tubig. Malalim na tubig na kaagad nagpalutang sa iyong katawan. Naisip mo, ito na ba ang tugon ng Langit sa iyong pangarap na maging isang sirena?

Marahil.

Subalit hindi ka naman nagkabuntot, o kaya’y nagkahasang. Ano’t ano man ang kababalaghang bumabalot sa iyo ngayon, wala ka ng pakialam.

Nanatili kang nakapikit. Nilamon na kasi ng antok at pagod ang iyong isip at katawan. Sa kabilang banda, nagdulot naman ng kakaibang ginhawa ang paggapang ng lamig sa himaymay ng iyong kalamnan. Pakiwari mo, bahagyang nabawasan ang bigat na iyong dinadala.

Kay gaan.

Kay sarap sa pakiramdam.

“Oy, bes! Gising, Adriana!”

Nagulantang ka sa isang malakas na pagyugyog. Bumalikwas ka, kasabay ng pagbabalik sa reyalidad. Ikinurap-kurap mo ang iyong mga mata. Pilit inaaninag ang aandap-andap na liwanag na iyong nakikita.

“Bakla, bakit ba?” anas mo. Ipiniksi mo pa ang iyong kamay na hawak niya. “Ang ganda-ganda na ng nangyayari, e. Makayugyog ka naman wagas na wagas. Kakabanas!”

Muli ka niyang niyugyog. Iyon bang tipo ng pagyugyog na halos maging ang laman ng utak mo’y naalog. Nagising ang buo mong diwa’t katawan.

“Hoy, Adriana! At anong gusto mong gawin ko, ha? Pinahitit ka na naman ba ni Mister Cheng ng damo?” Bilang tugon, ngumisi ka. Tinampal niya ang iyong noo. “Kalurkey ka talaga, bruha! Hindi ka kabayo kaya ‘wag kang adik sa damo, ha! Matutuyo ang utak mo dahil sa kagagahang ‘yan. Hindi ka pa nakuntento sa alak, tanga!” gigil na singhal niya sa iyo.

Pahatak mong niyakap ang iyong unang si Winnie the Pooh. “Tigilan mo nga ako, Minnie. Alam mo bang muntik na akong maging sirena kanina? Kung hindi ka lang…”

“Ay, naku! Hibang lang, bes? Baka naihi ka lang sa panty kaya akala mo nasa dagat ka. Ikaw ang magtigil, babaita! Hindi ko yata kakayaning makita kung papaano isa-isang makalas ‘yang mga turnilyo mo sa utak,” muling singhal niya sa iyo. Mas gigil. Kulang na lang, tirisin ka niyang parang kuto.

Pagak kang napatawa. Naisip mo, nasobrahan yata ito sa kape kaya ganito na lang kung maka-react. Subalit ang pagtawang iyon ay nauwi  sa pang-iinit ng gilid na iyong mga mata. Na nauwi sa pagpatak ng iyong mga luha. “Shunga! Sino ba naman ang…” Suminghot ka, “gustong maging baliw?” pahikbing sabi mo. Tumitig ka sa kanya nang diretso. Titig na ibig mong paglagusin sa kanyang kaluluwa.

“Piste ka, Adriana! Shutangina this! ‘Yan ka na naman, e.” Kitang-kita mo kung papaano lumambot ang iyong kaibigan. Mabilis na tumulo ang kanyang mga luha. Iniiyakan na naman niya ang masaklap mong kapalaran. Ganito talaga si Minnie, palibhasa’y binabae. Masyadong madrama.

Suminghot ka. Pinalis ang iyong mga luha gamit ang likod ng kanang palad. “Sino ba naman kasi ang pokpok na ayaw makalimutan kung ano at sino siya? Gusto kong makalimot araw-araw… oras-oras…” bulong mo, habang nakatitig sa kawalan. “Gusto kong makalimutan kung sino ako, at kung anong mayroon ako. Kaya…”

“Kaya kung ano-anong kagagahan ang pinaggagawa mo? Magtigil ka nga, Adriana! Sinabi ko naman sa ‘yong lumayas ka na sa beerhouse na ‘yon, ‘di ba? Ang tigas naman kasi ng ulo mo!”

Tiningnan mo siya nang pailalim. Nanunukat. Nagtatanong. Batid mong alam niya kung papaano kang nagsumikap na umahon sa putikan. Subalit, sa bawat pag-ahon mo’y sa kumunoy ka naman nasasadlak.

Labing-isang taon ka pa lang nang mapasok sa isang kabaret. Hindi mo ginusto ang bagay na iyon. Subalit nang mga sandaling iyo’y wala ka namang pagpipilian. Tumakas ka sa impiyerno, subalit sa impiyerno ka rin bumagsak.

Lumaki ka sa lansangan. Walang magulang. Walang pamilya. Ni hindi mo alam kung sino at ano ang nag-alaga sa iyo noong sanggol ka. Inaheng baboy ba? Pusa? O, inaheng aso? Basta nang ika’y magkaisip, mag-isa ka na lang na namumuhay sa ilalim ng tulay sa Quiapo.

Ganoon pa man, lumaki kang angat ang kagandahan kaysa sa ibang mga batang pulubi. Ayon kay Aleng Mameng na kasa-kasama mo sa ilalim ng tulay, anak ka raw ng isang puta sa isang amerikanong naging kostumer nito.

Walastik! Tisoy ang ama mo kaya tisay ka rin. Kutis at kagandahang kinainggitan ng mga batang-kalye. Kutis at kagandahang madalas purihin ng mga nagbibigay ng limos sa iyo. Kutis at kagandahang pinag-interesan ng mga diyablo.

At sa edad na siyam, pinagpasasaan ng tatlong tambay ang mura mong katawan.

Naputol ang iyong pagbabalik-tanaw nang yakapin ka ni Minnie. Kahit madalas ka niyang pagalitan, batid mong hindi nawawala ang pagmamahal niya. Sa totoo lang, siya lang ang kaisa-isang taong nagpakita ng malasakit sa iyo. “Bestie, sorry. Alam ko naman ang…”

“ ‘No ka ba, Minnie. Ow-ey mo! Alam ko namang mahal mo ‘ko.”

Nakilala mo si Minnie sa Starlite, ang kabaret na pinagdalhan sa iyo ni Madam Ex— ang babaeng dumampot sa iyo nang basta ka na lang iwan sa gilid ng kalye ng mga diyablong rapist. Binihisan ka niya’t ginawang alalay sa loob ng kabaret na iyon— tagaabot-abot ng abubot at kolorete niya.

Nang mga panahong iyon, nagtatrabaho na roon si Minnie bilang waiter. Mas matanda siya sa iyo ng halos sampung taon. Mabait siya at palagi kang binibigyan ng pagkain. Masaya ka noong una. Nagkaroon ka ng kauna-unahang pamilya. Subalit makalipas ang dalawang taon, nang bumulas ka’t nagkalaman ay may nakatipo sa iyong isang foreigner na kostumer. Sukat doo’y kaagad kang ibenenta ng itinuring mong ina-inahan.

Nasundan pa iyon ng isa.

Ng dalawa.

Ng tatlo.

Hanggang nang maglao’y gabi-gabi ka nang ibinebenta ni Madam Ex. At nang hindi na kinaya ni Minnie ang nakikitang sitwasyon mo’y itinakas ka niya. Nagpakalayo-layo kayo mula sa lugar na iyon.

“Bes, s-subukan mo kayang magdasal? Humingi ka ng tawad sa Diyos. Magmakaawa. Humingi ng tu—”

“Shhhh!” Muli kang napatigil sa pagbabalik-tanaw nang marinig ang mga salita ni Minnie. “Hindi ako kilala ng Langit, puwede ba!” asik mo sa kanya.

“Ha? Magtigil ka nga, Adriana. ‘Wag kang magsalita nang ganyan. Baka mamaya parusahan ka ni Lord.”

“Ha rin! At ano pa ba sa akala mo itong nangyayari sa akin? Hello, bestie! Ang buong buhay ko ay isang malaking kaparusahan!” Tumaas ang iyong tinig. Bagay na nagbigay ng kaunting gulat sa iyong kaharap. “Parusang ni hindi ko alam kung ano ang dahilan. Kahit kapirasong himala nga ayaw man lang Niya ‘kong bigyan. Tigilan na natin ang dramang ito dahil saulado ko na ang mga sasabihin mo,” dugtong mo.

“O, s’ya! Sige na nga. Baka pareho pa tayong maaning-aning. Bumili ako ng balut d’yan. Lafang na tayo, ha,” saad ni Minnie. Nagpakawala pa siya ng isang malalim na buntonghininga. Batid mong ibig lang niyang pagaanin ang hanging nilalanghap ninyo.

**********

Gabi na. Katulad ng dati, nasa beerhouse ka na naman. Masigla ang iyong pakiramdam ngayon— epekto marahil ng kinain ninyong balut ni Minnie kanina. Sinipat mo ang ilang parokyano, at nang makita ang isang pamilyar na muka’y kumaway ka.

“Hi, Mister Cheng!” Mabilis kang lumapit sa mesa ng kostumer na intsik. Kaagad naman siyang ngumiti sa iyo. “Ang aga mo yata ngayon. Mukhang nasa bakasyon ni misis, a. Kagabi lang nandito ka,” saad mo.

“Daan lang ak-ho. Hid-dih tayo labas ngayon. Maylon ak-hong ibang lakad.”

“Salamat naman,” mahinang bulong mo.

“Ha?” Tanong niya sa iyo.

“Wala. Sabi ko okey lang. Sa ibang araw na lang ulit tayo mag-jamming.” Kahit hindi nakapag-aral, batid mong mahusay ka talaga sa pakikipag-usap. Papaano’y hinasa at hinubog ng panahon at pagkakataon ang iyong dila. Kung sa pambobola’t pambobola rin lang ng mga kostumer, daig na daig mo ang iyong mga kasama.

Ilang saglit lang ay iniwan ka na ng intsik. Kumuha ka ng isang kopitang may lamang kaunting alak, saka naglakad-lakad upang maghanap ng bagong target. Hindi puwedeng mawalan ka ng kostumer ngayong gabi. Hindi maaari.

“Ay!”

Nagulat ka nang mula sa likura’y may biglang bumunggo sa iyo. Lumigwak ang laman ng dala mong kopita’t muntik ka nang mangudngod sa bakanteng mesa sa iyong harapan. Mabilis kang lumingon upang sitahin ang kung sinong lampang nakabunggo sa iyo.

“Ano ba? Tingin-tingin din sa dinadaanan ‘pag may time, okey?” singhal mo sa kanya. Pauyam kang napangisi nang makita ang lalaki. Nakasuot kasi ito ng shades. “Luh! Kaya naman pala nakabunggo ka, kuya. Sa loob ng kabaret, naka-shades? Ayos ka rin!” uyam mo sa kanya.

Inalis niya ang suot na salamin, saka tumitig sa iyo. “Bawal ba?” seryosong tanong niya. Nanlamig ka. Biglang sumirit ang maasim na likido sa iyong sikmura. May kakaiba kang nadarama sa paraan ng pagtitig niya.

Bahagya kang napaunat. Napabuntonghininga. “Ahm.” Hindi mo makuha ang tamang salitang dapat ibuga. Naisip mo, guwapo naman yatang masyado ang lalaking ito para magpunta sa pipitsuging beerhouse. “Gusto mo bang maupo tayo? Nakakangawit tumayo, ‘di ba?” saad mo. Pinagpawisan ka nang bahagya.

Nang makaupo na kayo’y umorder ka ng alak, tig-isang bote kayo. Kaagad kang lumagok. Natutuyuan ka na kasi ng lalamunan, bagay na madalas mong maramdaman sa mga ganitong pagkakataon.

“Urm, may balak ka bang ilabas ako, kuya? Kung meron, p’wede bang ngayon na?” walang kagatol-gatol mong hayag. Na halatang ikinabigla ng lalaki.

“What? Napaka-excited mo naman yatang masyado, Miss. Ni hindi pa nga tayo magkakilala,” nagtatakang sabi niya. Sa tingin mo’y nangatal pa siya nang bahagya.

“Virgin ka, kuya?” pilyang tanong ng isip mo.

“Hindi natin kailangang magpakilala sa isa’t isa. Alam ko kung ano ang ipinunta mo rito, at alam mo rin naman siguro kung ano ang trabaho ko,” taas-noong sagot mo. Mas tumindi pa ang pangangasim ng iyong sikmura. Unti-unti mo nang nararamdaman ang maliliit na daloy ng kakaibang sensasyon sa iyong mga ugat. Batid mong maya-maya pa’y pagliliyab na ang maliliit na ningas sa iyong sinapupunan. “P-Please, lumabas na tayo. Marami namang malapit na motel dito. Hindi ako maarte. P’wede ako kahit saan. Kung gusto mo, doon tayo sa apartelle d’yan sa—”

Napatigil ka sa pagsasalita at bahagyang napanganga nang walang ano-ano’y tumindig ang lalaki’t hatakin kang palabas ng beerhouse. Malalaki ang kanyang hakbang habang palingon-lingon sa paligid. Nagtungo kayo sa kanyang sasakyan. Mistula ka namang de-susing laruan na kaagad sumusunod sa kung ano ang kanyang iutos.

Ilang saglit pa ang lumipas, binabagtas na ninyo ang Aurora Boulevard. Hindi mo alam kung saan ka niya dadalhin, subalit wala ka namang pakialam. Ang mahalaga sa iyo’y ang inyong kahihinatnan.

Mabango ang loob ng kanyang sasakyan. Bagay na lalong nagpadagdag sa pamilyar na sensasyong unti-unti nang gumagapang sa iyong katawan. Tinitigan mo ang kanyang guwapong mukha habang siya nama’y seryoso sa pagmamaneho. Unti-unti mong hinagod ng tingin ang kanyang kabuuan, hanggang ang iyong mga mata’y mapadako sa nakaumbok na laman sa kanyang harapan.

Napalunok ka. Ibig mong dambahin ang pagkalalaki niya. Ibig mong ikulong sa iyong mga palad ang isang sandatang batid mong magbibigay sa iyo ng ibayong ligaya. Subalit, kaagad mong sinaway ang iyong sarili.

“Ahm, kuya, m-malayo pa ba tayo?” garalgal mong tanong. Sa hindi mabilang na pagkakataon, ika’y muling napalunok. Hindi siya kumibo. Sa halip, banayad niyang ipinasok ang sasakyan sa isang undergound parking area ng isang ‘di gaanong sikat na gusali. Sumikdo ang iyong puso. Kaagad nagsalimbayan ang kung ano-anong mahahalay na eksena sa iyong imahinasyon.

Inip na inip ka na. Ang sandaling pakikipag-usap ng lalaki sa sikyung naka-duty ay halos magpabaliw na sa iyo. Pakiramdam mo’y may kung ano nang sasabog sa iyong kaloob-looban. “M-Matagal pa ba?” tanong mo sa kanya.

“Bakit ba nagmamadali ka?” nagtatakang balik-tanong niya. Gusto mo siyang sampalin at ipagsigawang kailangang-kailangan mo na siya ngayon din. Subalit sa halip na magsalita, huminga ka na lang nang malalim at pilit pinakalma ang sarili.

Ilang sandali pa’y nakahanap na siya ng bakanteng puwesto. Mangilan-ngilan lang naman ang sasakyan sa loob ng madilim na paradahang ito, subalit mas pinili niya ang lugar na walang katabi. Ayos lang naman iyon, naisip mo. Mas umaayon pa nga sa iyo ang pagkakataon.

“Bumaba na tayo. Motel na ito. Pero mauna ka sa loob, ha,” pagkaraka’y sabi niya. Nakadama ka naman ng kaunting pagkayamot. Naisip mo, bakit ba masyado siyang maraming seremonyas? Ikinahihiya ba niyang makasama ka? Bakit, alam ba niyang kung pagdudugtong-dugtungin ang mga ari ng lalaking dumaan sa katawan mo’y baka mangalahati na ang kahabaan ng EDSA? Sigurado kang hindi naman! Ano’t bakit mukhang nag-iinarte pa siya?

“Bakit kailangan pa nating bumaba? Dito na lang tayo,” lakas-loob na sabi mo. Nakita mong nagtaka siya. Subalit bago pa man niya maibuka ang kanyang bibig upang magsalita, sinibasib mo na siya nang mainit na halik. Hindi siya nakahuma, tila natulala.

“Halikan mo rin ako,” bulong mo sa kanya sa pagitan ng mga halik. “Angkinin mo ‘ko ngayon din, please. Hawakan mo ako. Lamutakin. Himasin mo ang lahat ng parte ng katawan ko, para mo nang awa,” anas mo, habang ang kanyang kamay ay pilit mong idinidikdik sa maselang bahagi ng iyong katawan.

“No!”

Napatda ka. Tila nayanig ka sa malakas niyang pagtulak. Bahagya kang bumalik sa reyalidad. “A-ano bang problema mo, Miss?” narinig mong tanong niya. “B-Bakit parang atat na atat kang makipag-sex? Are you a nymphomaniac? Hindi kasi ordinaryo ang ikinikilos mo. Nanginginig ka pa nga, o.

Ikinuyom mo ang iyong mga palad upang itago ang panginginig ng mga ito. Natulig ka sa iyong narinig. Tumatak sa iyo ang isang salitang kanyang binanggit.

Nymphomaniac.

Papaano mo nga bang makalilimutan ang salitang ito? Labinsiyam na taong-gulang ka nang komonsulta kayo ni Minnie sa isang espesyalista. Batid kasi ng kaibigan mong may kakaiba sa iyo pagdating sa pakikipagtalik. Iniahon ka na nga niya noon, subalit ikaw ang nagpumilit na bumalik sa sulok ng impiyerno dahil kamo’y nasasabik ka sa muling pag-angkin ng iba’t ibang lalaki sa iyong katawan.

Sabi mo pa sa kanya, tila may mga halimaw na naninirahan sa himaymay ng iyong mga kalamnan. Mga halimaw na nagigising at nagwawala kapag nakaaamoy ng katawan ng lalaki. Mga halimaw na humahatak sa iyo sa ilalim ng isang kumunoy. Hindi mo sila matanggihan. Hindi mapaglabanan. At wala kang kayang gawin kung hindi ang magpasailalim sa kagustuhan nila. At hanggang ngayon, sa edad mong dalawampu’t anim, patuloy ka pa rin nilang inaalipin.

Nymphomania. Iyan ang naging diagnosis sa iyo ng doktor.

“Miss?”

Muling nagsalita ang lalaki. Dahilan upang muli kang makadama ng kakaibang sensasyon. Ikinapit mo sa kanyang braso ang nanginginig mong mga kamay. Pilit mong ikinikiskis ang nag-iinit mong katawan sa kanya.

“Parang awa mo na, kailangan kita. Angkinin mo na ako ngayon din. Mababaliw na ako!” pagsusumamo mo, kasabay ng pagtulo ng iyong mga luha.

Hinawakan niya ang nanginginig mong mga kamay. “Miss, alam kong nahihirapan ka. Let me help you, pero hindi sa paraang gusto mo,” mahinang sabi niya. Malamlam ang liwanag sa inyong pagitan. Subalit, nabanaag mo sa kanyang mga mata ang awa. Solidong awa… at wala ni katiting mang pagnanasa. Sa isiping iyon, lalo kang napaluha.

Naramdaman mo ang paghigpit ng kanyang pagkakahawak sa iyong mga palad. “Hayaan mong ipanalangin kita, Miss.” Nagulat ka. Hindi mo inaasahang ganoon ang iyong maririnig sa kanya. Bago ka pa man makapagsalita, nakita mong pumikit siya’t umusal ng tahimik na panalangin.

Habang ang lalaki’y taimtim na nagdarasal, rumagasa ang mga salitang madalas sabihin sa iyo ni Minnie. “Magdasal ka. Magsimba. Humingi ng tawad sa Diyos. Humingi ng tulong sa Kanya. Baka sakaling kahit kapirasong himala ay bigyan ka.” Nang maalala ang mga salitang iyon, ang kaninang impit mong pag-iyak ay naging hagulhol. Hindi mo namalayan, umuusal ka na rin pala ng mga panalangin.

Hindi mo maipaliwanag, subalit ang init ng pagnanasang nadarama mo kanina’y nahalinhan ng ibang klaseng init. Init na mistulang humahaplos sa iyong puso. Nawala ang panginginig ng iyong mga kamay. Napalis ang kakaibang sensasyong kanina’y naghuhumiyaw sa iyong sinapupunan. Naisip mo, siguro’y nakatulog ang mga halimaw dahil inyong pagdarasal.

Ibinaba ng lalaki ang iyong mga kamay. “Ako nga pala si Pastor Elmer Crisanto. Hinahanap ko lang ang pasaway kong pinsan kaya ako pumasok sa beerhouse na ‘yon.” Ngumiti siya. “Pero aaminin ko, muntik na akong matukso sa iyo,” biro niya. “Handa akong maging prayer warrior mo, kung saka-sakali. Isa pa, p’wede kitang ipakilala sa mga kaibigan kong doktor. Matutulungan ka nila,” dugtong pa niya. Kitang-kita mo sa kanyang mga mata ang simpatiya at malalim na pang-unawa.

“S-Salamat. Maraming-maraming salamat, P-Pastor. Ako nga pala si Adriana,” usal mo.

Ngumiti siya sa iyo. “Pagagalingin ka Niya, Adriana. Higit sa ‘yong katawang-lupa, ang ‘yong puso’t kaluluwa. Basta ‘wag ka lang mahiyang magdasal,” sabi niya.

Muli kang napahagulhol. Ito na ba ang hinihiling mong himala?

Marahil.

Batid mong mahabang proseso ang iyong pagdaraanan upang makabangon. Subalit… handa kang kumapit at umasa sa isang kapirasong himala. WAKAS

** Ang kuwentong ito ay lahok sa Saranggola Blog Awards 8 sa http://www.sba.ph


Advertisements