Ayaw magpaawat ng kaklase kong si Atong sa pagkukuwento kanina. Ibinibida niya ang tungkol sa palabas na Kapitan Tirso— ang paborito niyang superhero. Bilib na bilib talaga siya sa paglipad ni Kapitan Tirso. Ganoon din sa pagtulong nito sa mga nangangailangan. Grabe raw ang galing nito. Kahit ang bulkan kayang pigilin ang pagputok.

Korni sa paningin ko ang palabas na ‘yon. Palagi namang palpak si Kapitan Tirso. Untog dito, untog doon. Minsan pa nga, mas napapahamak pa ang mga tao nang dahil sa kanya kaya sa halip na makatulong, nakasasama pa. Kunsabagay, palabas lang naman siya. Isang pekeng bayaning nagbibigay ng pekeng pag-asa sa mga katulad kong bata.

Pero ako, sa edad kong labing-isa, hindi na ako naniniwala kay Kapitan Tirso. Mayroon kasi akong kakaibang superhero. Hindi katulad ng mga palabas sa pelikula at telebisyon, ang aking superhero ay totoong-totoo.

“Nina, tapusin mo na ‘yang mga assignments mo nang makakain na tayo. Pakitingnan lang ang nakasalang na sinaing, ha. Masakit daw ang tiyan nitong kapatid mo. Mangungubeta lang kami.”

Heto ang superhero ko— maraming kamay, daig na daig ang walong galamay ng isang pugita sa ilalim ng dagat. Kaya niyang pagsabay-sabayin ang pagluluto, paglilinis ng bahay, paglalaba at kung ano-ano pang gawain. Madalas, karga-karga niya ang bunso naming si Atang, habang nagwawalis.

“Nina, anak! Nasusunog na ang sinaing! Hinaan mo nang bahagya ang apoy ng kalan at baka tuluyan nang maging tutong ‘yan.” Tumayo ako at mabilis na hininaan ang apoy ng kalan.

Napakatindi ng pang-amoy ng aking superhero, daig na daig ang sampung aso ng mga sundalo. Alam na alam niya ang amoy ng sunog na sinaing, ng panis na paksiw, at maging ng pawis na nangangasim. Natatandaan ko pa, inaamoy-amoy niya ang kilikili ko pagkagaling sa eskuwelahan. ‘Yon bang pag-amoy na may kasamang pangingiliti. Pagkatapos sasabihin niya, “Humpp! Amoy melon na ang kilikili ng prinsesa ko, a. Melon amoy!” Saka niya ako ipaghahanda ng maligamgam na tubig-pampaligo.

Hinding-hindi rin niya titigilang hanapin ang amoy ng patay na daga, hanggang sa matagpuan ito sa ilalim ng higaan ni Muning. Ang astig lang talaga!

“Anak, maglagay ka na ng mga pinggan sa lamesa, ha. Malapit nang matapos itong kapatid mo.”

“Opo!” sagot ko. Kailangan kong sumagot dahil kung hindi, sasabihin niyang nalunok ko na ba ang dila ko?

Ang superhero ko ang pinakamatalino sa lahat ng mga superheroes. Daig na daig nga niya ang isang guro. Siya ang nagturo sa akin kung papaano ang magsalita. Ang mga unang letra ng mga kapatid kong sina Tikboy at Atang ay galing rin sa kanya.

Maging ang pagsusulat, siya rin ang nagturo sa amin. Masuyo niyang inalalayan ang aming mga kamay, habang hawak ang isang pudpod na lapis na walang pambura, upang makabuo ng bilog-bilog at guhit-guhit… hanggang sa ang mga bilog-bilog at guhit-guhit na ‘yon ay naging aming mga pangalan.

Sa kanya ko rin natutunan kung ano ang pagkakaiba ng dilaw sa pula. Sabi niya, hindi raw kailangan ng mahabang paliwanag. Kapag nakita mo ang dilaw, malalaman mong dilaw ‘yon. At kapag nakita mo ang pula, malalaman mong pula ‘yon. Maliban na lamang kung bulag ka at walang nakikita.

Minsan, itinanong ko rin sa kanya kung bakit ang mga sardinas ay nagsisiksikan sa loob ng isang lata. At ang husay ng isinagot niya! “Hindi nila kailan man ginustong mapunta sa loob ng isang lata. Ang masamang kapalaran ang naglagay sa kanila doon. Katulad ng mga bata sa lansangan. Hindi nila kailan man ginustong mamuhay na mistulang mga pusang-ligaw,” sagot niya.

“Anak, pakitikman mo naman ‘yang pinakbet kung tama na ang alat. Kung matabang, dagdagan mo ng kaunting patis.” Mabilis akong sumunod sa ipinag-uutos niya.

Master din ang superhero ko pagdating sa panlasa. Sa kanya ko natutunan kung gaano kapait ang ampalaya— simpait daw ng pagkabigo ng isang dalaga. Kung gaano katamis ang asukal na pula— sintamis daw ng pag-ibig ng isang binata. Kung gaano kasarap ang ginataang sitaw at kalabasa— sinsarap daw ng yakap ng isang ina. At kung gaano kaasim ang hilaw na mangga— sing-asim daw ng mukha ng masungit na tindera.

Siya rin ang pinakamagaling na doktor na aking nakilala. Daig na daig pa niya ang pinakamahusay na espesyalista. Bakit nga ba hindi? Siya lang naman ang nagturo sa akin kung papaanong ihakbang ang mahihina at maliliit kong mga paa. Isang haplos lang niya, natatanggal na ang sakit ng sugat sa aking tuhod na dahil sa pagkadapa. Hindi ko nga maipaliwanag kung papaanong sa isang ihip lang niya ay mabilis nang naaalis ang puwing sa aking mga mata. Isang halik lang niya sa aking noo, naglalaho na ang sakit ng aking ulo.

Kakaiba talaga ang superhero ko!

“O, anak. Sinisinat itong si Atang. Tawagin mo na si Tikboy sa kuwarto at mauna na kayong kumain, ha. Pupunasan ko muna itong kapatid ninyo. Mukhang sisipunin ang isang ‘to.”

“Sige po. Ako na pong bahala kay Tikboy,” sagot ko. Kitang-kita ko ang pag-aalala sa kanyang mga mata para kay Atang. Ganito talaga siya— hindi mapakali kapag mayroong karamdaman ang isa sa aming tatlo.

Alam kong wala siyang mga pakpak, pero nang ako ay lagnatin sa eskuwelahan noong nakaraang taon, minuto lamang ay naroroon na siya. May dala pa ngang basang bimpo na pamunas sa kilikili ko at noo. Niyakap niya ako noong kami ay nasa traysikel at pauwi na, katulad ng ginagawa ng alaga naming inaheng manok— pilit isiniksik sa pakpak ang mga inakay na sina Iw-iw, Tiw-tiw at Siw-siw. Nang mga oras na ‘yon, totoong naramdaman ko ang init at ginhawa sa ilalim ng kanyang inbisibol na mga pakpak.

The best talaga ang superhero ko!

Wala ring tatalo sa kanya sa pagiging mapagparaya at mapagbigay. Pudpod na ang kanyang tsinelas, pero kapag ako ay humiling ng sapatos, uunahin at uunahin niya ang aking kahilingan. Titiisin niyang maglakad sa lupang tila iniihaw sa init ng araw, o kaya ay sa malamig na kalsadang tila nilunod sa tubig-ulan, mapagbigyan lamang ako. Minsan, kumakalam na ang kanyang tiyan, pero kapag sinabi kong gusto ko ng masarap na ulam, uunahin niya ang aking kahilingan. Titiisin niya ang atungal ng sariling tiyan.

Astig talaga ang aking superhero!

“O, ‘nak? Akala ko ba tinawag mo na si Tikboy? Naku, ayokong nalilipasan kayo ng gutom. Nakatulog na si Atang pagkainom ng gamot. Sige na, pakitawag mo na ang kapatid mo.”

Sa halip na sumunod sa kanyang ipinag-uutos, niyakap ko siya nang mahigpit. Hindi ko napigil ang mapaiyak.

“Ay, grabe s’ya, o! Anong ipinagdadrama ng panganay kong prinsesa?” nakangiting tanong niya sa akin. Gayon pa man, niyakap din niya ako nang mahigpit. “Ano ba, anak? May masakit din ba sa ‘yo?” dugtong pa niya, habang masuyong hinahagod ang aking buhok.

Hinawakan ko ang magkabila niyang pisngi at tumitig sa kanyang mga mata. “Tatay Gimo, gaano po ba ninyo kami kamahal?” tanong ko sa kanya, habang patuloy ang mga mata ko sa pagluha.

“Hala, ang arte naman ngayon ng panganay ko. Mahal ko kayong tatlo, higit pa sa aking buhay. Tandaan mo ‘yan, anak ko,” sagot niya. Muli ko siyang niyakap nang mahigpit, saka pinupog ng halik.

Sininghot ko ang tumulong uhog sa aking ilong, saka muling nangunyapit sa leeg ni Tatay Gimo. “Kahit po ba hindi ninyo kami tunay na mga anak, mahal pa rin ninyo kami?” muling tanong ko, habang patuloy sa pagsinghot.

Nakita kong napangiti siya nang malapad, pagkatapos ay bahagyang naluha. “Oo naman, anak. Bakit ka ba nagtatanong ngayon? Hala, baka nahawa ka na sa mga teleseryeng napapanood mo, ha!” pabiro niyang sabi. Hindi na ako sumagot. Yumakap na lamang akong muli sa kanyang leeg.

Totoo ngang may mga superheroes. ‘Yong mga tumutulong sa naaapi. ‘Yong mga tagapagligtas. At si Tatay Gimo, siya ang superhero naming tatlo.

Hindi pa raw ako naglalakad nang mapulot niya sa Kalye Maligaya, mistulang kuting na iniwan na lamang ng kung sino. Si Tikboy naman, nakita niyang lumulutang habang nakasakay sa isang batya noong kasagsagan ng bagyong Ondoy. Wala ng pamilyang naghanap dito kaya kinupkop na rin niya. Si Atang naman, anak ng pulubing nasagasaan noong nakaraang taon diyan sa may tapat. Walang gustong mag-aruga kaya kinuha na niya.

Si Tatay Gimo— ang binabaeng madalas laitin ng ibang tao, na tumayong ama at ina naming tatlo, ay ang nag-iisa naming superhero. WAKAS

** Ang kuwentong ito ay lahok sa Saranggola Blog Awards 8 sa http://www.sba.ph


Advertisements